Monday, March 15, 2010
AAGAPAY, TAMPOK SA HEARTBEAT 2010 CONCERT
Sa kabila ng ilang problema, matagumpay na naganap ang Heartbeat 2010 na may temang “Himigsikan through love and music”. Ang naturang konsiyerto ay ginanap sa Notre Dame University Gymnasium noong ika-24 ng Pebrero 2010 mula ika-pito hanggang ika-siyam ng gabi. Tampok sa nasabing palabas ang sari-saring galing ng mga estudyante ng Notre Dame University (NDU) na nagpakitang gilas sa larangan ng musika, pagsayaw, visual arts, teatro at iba pang sining. Nagpakita rin ng kanilang kakaibang galing sa sining at musika ang ilang piling bisita mula sa mga lungsod ng Cotabato at Davao. Tinatayang humigit-kumilang sa isang libong mga manonood ang dumagsa sa naturang palabas. Naging malaking bahagi rin ng palatuntunan ang suportang ibinigay ng Alalay at Gabay sa Pag-unlad ng Pamayanan o AAGAPAY 12 Regional Council dahil sa layunin nitong maipalaganap at maitaguyod ang postibong asal sa mga kabataang Pilipino na siyang niyakap ng Media Freqx, ang student-organization ng mga estudyante ng Mass Communications sa NDU na nagkonsepto ng nasabing konsiyerto. Matatandaang una nang nadantayan ng AAGAPAY Advocacy Campaign ang mga student-journalists noong ika-24 ng Enero nitong taon. Sa kalagitnaan ng konsiyerto, isang presentasyon ng pasasalamat ang ipinakita ng Media Freqx sa mga manonood- ito ay ang pagtatampok sa AAGAPAY sa pamamagitan ng power point showcase kung saan ipinakita nila ang mga iba’t-ibang aktibidades na kasalukuyang ginagawa ng AAGAPAY team tulad ng clean-up drive, tree-planting activities, medical and dental civic action programs, feeding program, Give-to-learn, at ang kamakailan lamang na National Youth Camp sa Tagaytay City na kung saan apat sa miyembro ng Media Freqx ay naging representante ng rehiyon. Ang Heartbeat ay taunang konsiyerto na ginaganap tuwing Pebrero. Bahagi ito ng curriculum requirement, ang TV Production ng mga estudyante ng Mass Communications ng Notre Dame University. Joniera Faith H. Valera, NDU
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment